Thursday, August 12, 2010

Etikang Tagalog: Ang Ikatlong Nobela ni Rizal

Category: Books
Genre: Literature & Fiction
Author: Nilo S. Ocampo
PHILIPPINE INSTITUTIONS 100 : G. Nilo S. Ocampo
Esporlas, Cindy Liza C.
ika-9 ng Mayo, 2008
05-50975

Book Rebyu ng: Etikang Tagalog: Ang Ikatlong Nobela ni Rizal
May-akda: Nilo S. Ocampo
Inilathala ng: Lathalaing P.L., Diliman, Lungsod Quezon
Unang Pagkalimbag: 1997



Etikang Tagalog: Ang Ikatlong Nobela Ni Rizal

Nakailan nang tula o dula o maikling kwento o nobela o kung anu pa mang mga sulatin ay hindi ito matatapos kung buhay pa rin si Rizal ngayon. Ako'y umabot sa ikatlong taon ko sa kolehiyo na ang alam ay dadalawa lamang ang nobela ni Rizal, ngunit aking laking gulat ng may ikatlo pa pala na kung saan ay ito ang pinakamahabang di-tapos na manuskrip ni Rizal na sinipi, isinalin sa Ingles at inilathala ni Ambeth Ocampo sa kanyang aklat na pinamagatang “Makamisa: The Search for Rizal's Third Novel” kasama ang isa pang nobelang di-tapos.

Unang isinulat ni Rizal ang Noli Me Tangere at ito ay tunay na maganda. Sumunod ang kanyang El Filibusterismo ngunit ito man ay hindi rin humigit sa kahusayan kumpara sa nauna. At lingid sa kaalaman ng lahat maliban na lamang sa mga malalapit kay Rizal at sa mga nakatuklas, ay may marami pa palang isinulat si Rizal na mga nobela at isa dito ay tungkol sa isang babae na nagngangalang Cecilia. Ang ikatlong nobela na ito kung ating babasahin ay hindi tapos marahil siguro ay dahil sa kakulangan ng oras para dito. Sabi nga sa likod ng pabalat ng aklat:

“Ang bayaning naka-overkowt, ninanais at nahahatak magbarong tagalog muli, pero hindi na siya sanay, nahiyang na sa banyagang kasuotan...” - Nilo Ocampo

Ito rin ang nagsasabi ng mga maaaring dahilan kung bakit hindi nga natapos ni Rizal ang naturang nobela. Sabi ni Rizal sa kanyang sulat ay:

“Dinaramdam kong hindi ko ito maisusulat sa wikang Espanyol dahil isang napakagandang paksa ang aking naisip...”

“...gayunman pinaghihirap ako sa pagsulat ng librong ito, dahil marami sa aking mga naiisip ay hindi ko malayang naipapahayag, kung hindi man ay nagpapasok ako ng mga neolohismo; bukod dito, hindi na ako sanay magsulat sa Tagalog.”

At dahil nga sa kanyang naiisip na marami pa nga siyang dapat isulat ay kanya pa ring ipinagpatuloy ito. At dahil nga sa ninanais na nahahatak “magbarong tagolog” muli ngunit hindi na sanay ay may nagnais naman na isalin na ang nobelang ito sa wikang Tagalog at hindi sa kung anu pa mang wikang banyaga, at ang tumaggap ng hamon na ito ay si Dr. Nilo S. Ocampo at ito ay kanyang pinamagatang “Etikang Tagalog”. Subalit sa ikatlong nobela na ito ay ano nga ba ang kaibahan kumpara sa dalawang nauna at mas kilala na mga nobela ni Rizal at bakit nga ba ito pinamagatang Etikang Tagalog?

Atin namang alamin ang nilalaman ng ikatlong nobela ni Rizal. Mula sa panimula ni Nilo Ocampo ay mapapansin natin na ipinagsamasama ang mga sulat ni Rizal sa kanyang mga kaibigan na naghahayag ng kagustuhan na sumulat ng isang “...aklat sa Tagalog na ang paksa ay ukol lamang sa mga katutubong ugaling Tagalog, walang ibang tatalakayin kundi mga gawi, kagandahang asal at kasiraan ng mga Tagalog.”

Sa unang kabanata pa lamang ay agad nang nauukol sa mga gawi sa kaTagalugan sa imahe ng bayan ng Pili. Ito ay nagsimula sa isa isang eksena sa simbahan na kung saan ay sinimulan ang pagkilatis sa mga gawi-gawi sa punto ng relihiyon na kung saan ay laging nahahaluan ng pulitikal na mga pangyayari. Mapapansin dito ang pagtangkilik sa dayuhan at panggigiit sa kapwa Pilipino gaya ng pagpili ng mga mamamayan na makinig sa misa mayor ng Kura kahit masikip at napakainit na kumpara sa misa ng mga indiong koadhutor na siya namang pinagkikibitan lamang.

Nariyan si Kapitana Barang na lubos na relihiyoso, taimtim at tuwid kung magdasal at nakaluhod, mapanata at walang palya sa pangongomunyon at nagsusuot ng mga damit na may mga pinong burda at makikinang na alahas at higit sa lahat ay siya ay may dating na nakapangingibabaw sa madla at pinaninindigan ang pagiging kasapi sa prinsipalya at walang pangyayari sa loob ng simbahan na umaalpas sa kanyang tingin. At dahil nga sa relihiyoso ang buong bayan ay nang hindi magbigay ng komunyon si Padre Agaton ay ang mga kababaihan ay biglang ninenerbyos at nanginginig ang mga balikat na nag-usisaan habang nakabelo at nagkukunwari nang nagdarasal. Naiskandalo an buong simbahan, hindi mapakali ang mga deboto, may mga nayayamot at may mga nagbubulungan na ng mga kung anu-anong maaaring dahilan ng kakaibang kilos ng Kura. At ang lahat ng iyon ay ng dahil lamang sa hindi pag-bigay ng Kura ng komunyon!

Unang bahagi pa lamang ng unang kabanata, kapansin-pansin na ang kapangyarihan ng Kura sa mga mamamayan gamit lamang ang relihiyon. Ito ay maitutumbas sa saklaw ng kapangyarihan ng mga Kura o ng mga Prayle tulad ni Padre Damaso sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Sa ikatlong kabanata naman ay mapapasin din na hindi lamang panrelihiyon ang saklaw ng kapangyarihan ni Padre Agaton kundi pati na rin sa pulitikal.

“Siya ay kinatatakutan ng buong probinsya mula sa kulang-palad na magsasaka hanggang sa gobernador na mapagmata... Nananalig siya sa bisa ng kamao, ng pambambo, ng batas, at ang mga opisyal at huwes, nganginginig sa takot sa kanya...Sisante ang alkalde at kawaning sasalunga sa kanya...naipapatapon ang mamamayang hindi sumunod sa kanya... Sa kabilang dako, sinumang mapalad na mabiyayaan ng kanyang grasya ay nabubuhay nang matiwasay, para bang tinatanuran ng lahat ng mga santo...”

Ngunit sa kabila ng kabanalan na nakikita sa kanya ng mga mamamayan ng Pili ay isinaad din ang kanyang pamamaraan ng kanyang pagbigay ng mga sakramentong parang kanyang “ipinagbibili”. Mula naman sa nakikitang ugali ng mga mamamayan sa mga kakaibang kilos ng Kura tulad ng hindi pagbigay ng komunyon at hindi pagpapahalik ng kamay ay sadyang nagdulot ng kaguluhan sa bayan ng Pili.

Ang kapitan ay nagkakasakit sa takot na baka hindi na siya nais ng Kura at mapatalsik siya sa kanyang posisyon at ipalit ang kanyang mortal na kalaban sa larangan ng pulitika na kanyang mas napapansin na nasa magandang pakikipagtunguhan sa Kura. Maging sa tribunal ay walang ibang pinaguusapan kundi ang pagbabago ng ugali ng Kura at naging prayoriti na nila ang pagplano pagdaos ng Mahal na Araw kaysa sa tunay na kanilang tungkulin na pagpapagawa ng tulay sa isang malayong lugar na siya namang malaking problema ng mga magsasaka sa malalayong parte ng bayan. Si Kapitan Panchong naman ay ito rin ang kanyang ipinagkakaabalahan sa tribunal na kapag may dumating na problema na mas dapat ay asikasuhin bilang kapitan ng bayan ay kanya na itong binabalewala para lamang mapanatag ang kanyang loob sa Kura para sa kanyang reeleksyon. Ito ang sinabi ni Kapitan Panchong sa isang opisyal ng isang baryo na nagulat ng pagkasira ng isng tulay.

“Mga gunggong kayo lahat! Hindi ninyo ba nakikitang napakaimportante ng pinagkakaabalahan naming dito, tapos, magbubusa ka sa kung anong tulay. Kung wasak ang tulay, e di wasak. Lumangoy kayo; kung hindi kayo marunong lumangoy, malunod kayo lahat, sobra-sobra naman ang mga tao sa inyong lugar!”

“Sa isip niya, hindi bale nang bumagsak lahat ng tulay sa mundo basta lang hindi mapeligro ang kanyang reeleksyon.”

Sa kabilang dako naman ay ang anak nina Kapitan Panchong at Kapitana Barang na si Cecilia, maganda, mabango at sinasabing pinakamapalad sa lahat na kahit ang awit na Ave Maria ay maaaring ilapat sa kanya ng may kaunting ayos lamang kaya naman siya kinaiinggitan ng lahat. Sa ikawalong kabanata naman ay ipinakita ni Rizal ang katangian ng isang babae sa katauhan ni Cecilia. Siya ay may mataas na pangarap, nag-iisip at maingat sa kanyang pipiliin na mapapangasawa.

“...sinabihang mahusay kikilos ang isang babae, hahangaan siya hindi lamang dahil sa kagandahan kundi sa kanyang katatagan, kapasyahan, nobilidad, katalinuhan at katapangan...nalikha sa kanyang isip ang tipo ng lalaking dapat niyang mahalin pagsapit ng hustong gulang...”

Ngunit ang lahat ng ito ay tila nabago nang kanyang marinig ang isang boses sa loob ng kanyang bahay na nagsasabing, “'Yan ang lalaki.” na siya namang tunutukoy sa Kura na papalapit sa kanilang bahay na “...tumatapak-tapak doon sa mga nakadipa sa harap nito, mapanlait, napagkahambog-hambog tulad ng isang nagwaging mananakop.”

Napakarami pang ibang mga karakter na nagpamalas ng iba pang mga ugaling Tagalog tulad nina Manang Sebya, Clodio, Isagani, Dr. Lopez, Don Paquito, DonFermin, Kapitan Crispin, Anday at ang anak nito.

Kung bakit ganito ang naisip na paksa ni Rizal ay dahil sa kanyang nais na ipamalas sa tao ang mga magagandang ugali na dapat ay itago at pagtibayin at ang mga pangit na ugali na dapat ay alisin. Ang ikatlong nobela ni Rizal ay hindi lamang nakatuon sa relihiyon at ang epekto nito sa tao kundi ito ay nakatuon sa mga gawain, ugali o ethics ng mga Tagalog kung kaya naman ay binigyan ng tagasalin ng pamagat na Etikang Tagalog. Tulad na lamang ng sinabi ni Rizal kay del Pilar sa isang sulat na,

“...di dapat niya gisingin ang regionalismo o provincialismo. Kapag mayroon tayong mabuting ugali o puri ay dapat nating iparatang sa lahat ng provincia, sa lahat ng anak sa Filipinas.”

Binanggit rin ni Dr. Nilo Ocampo sa kanyang paunang salita kung bakit “Etikang Tagalog” at hindi “Etikang Pilipino”. Sinabi niya na si Rizal ay “anak man ng Espanya at anak ng Katagalugan ay pambansa pa rin ang kanyang pag-iisip, di ba?”

“Etikang Tagalog... walang pagkakaila kung kanino patungkol ang akdang ito ng pagbubunyag at pagbubuo, walang iba kundi sa pagkabansang Pilipino.” - Dr. Nilo Ocampo

Bibliograpi
Ocampo, Nilo S. 1997
Etikang Tagalog: Ang Ikatlong Nobela ni Rizal, Lathalaing P.L., Diliman, Lungsod ng Quezon

1 comment:

Dustine Gomez said...

Aking natutunan sa nabasang artikulo na may naisulat pala si Rizal na hindi tapos na nobela. Ito ay patungkol sa mga kaugalian o etiko ng mga tagalog, ayon na din sa titulong "Etikong Tagalog" na ginamit ni Nilo Ocampo sa pagsalin nito. Ito rin ay tumutuligsa sa mga prayle.

Dustine Gomez
contributor, www.ourhappyschool.com